2 mataas na opisyal ng V. Luna Health Services, 20 iba pa sinibak sa pwesto ni Pang. Duterte

Sinibak sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dalawang mataas na opisyal ng V. Luna Health Services.

Kabilang sa sinibak sina Brig. Gen. Edwin Leo Terrelavega na commander ng AFP health service command at Col. Antonio Punzalan na commander ng V. Luna Medical Center.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ipinag-utos din ng pangulo ang pagsailalim sa court martial sa dalawang opisyal.

Maliban sa dalawa, sinabi ni Roque na mayroong pang 20 opisyal ng chief of management and fiscal office at logistics office ng V. Luna Health Services ang kasamang sinibak sa pwesto.

Sinabi ni Roque na sangkot ang 20 opisyal sa maanomalya at kwestyunableng pagbili ng mga gamit para sa ospital.

Ito ay dahil sa P1.5 milyong halaga ng ghost deliveries ng mga medical supplies sa naturang ospital.

Marami pa aniyang iba pang transaksyon na nauwi sa ghost deliveries ng mga medical equipment.

Ayon kay Roque, isang whistleblower ang lumapit sa pamahalaan para isumbong ang anomalya sa V. Luna.

Dagdag pa ni Roque, ballistic o galit na galit ang pangulo nang madiskubre ang anomalya sa V. Luna Medical Center.

Nabasa kasi aniya ng pangulo ang naging report ng Presidential Anti-Corruption Commission at ni AFP Chief of Staff General Carlito Galvez kaugnay sa mga transaksyon sa V. Luna.

Ani Roque, hindi kasi maikakaila na pinag tuunan ng pansin ng pangulo ang pagpapaganda sa V.Luna Medical Center subalit kinurakot lamang ang pondo sa pamamagitan ng ghost deliveries ng mga medical equipment.

Read more...