Nakabawi si Pangulong Aquino sa publiko at nakapagtala ng mas mataas na satisfaction rating matapos na makakuha ng “all-time low” sa nakalipas na survey.
Sa survey na ginawa noong June 5 hanggang 8, 2015 ng Social Weather Stations (SWS), tumaas ng 10 percentage points ang satisfaction rating ng Pangulong Aquino.
Nasa 57% ang nakuha nitong rating kumpara sa 47% lamang noong Marso.
Katumbas ito ng +30 o good, mula sa +11 o moderate sa nakalipas na satisfaction rating ng SWS.
Bumaba rin ang nagsabing hindi sila kuntento sa trabaho ni PNoy na nasa 27% na lang kumpara sa 36% noong Marso. Mayroon naming 15% na undecided.
Ginawa ang survey mahigit isang buwan bago ang huling State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Aquino Hulyo.
Samantala, nagpapasalamat naman si Pangulong Aquino sa kanyang mga “boss” o sa buong sambayanang Pilipino sa pagkilala nito sa pagsisikap ng administrasyon na mapahusay ang paghahatid ng serbisyo publiko at pagpapatuloy ng mahahalagang reporma sa pamahalaan.
Ayon kay Communications Secretary Sonny Coloma layon ng mga programa nila na tiyakin na ang mga bunga ng mabuting pamamahala at pagbabago ng
lipunan ay maitaguyod at maging permanente.
Kaugnay nito sinabi ni Coloma na pag-iibayuhin ng pamahalaan ang pagpupunyagi na higit pang mapabilis ang paglalatag ng imprastruktura at palawakin ang pagbibigay ng proteksyon sa larangan ng paghahanap-buhay, edukasyon, kalusugan at pabahay.
Palalakasin din aniya nila ang mga pampublikong institusyon upang matamo ang layuning walang maiiwan at makakasabay ang buong sambayanan sa pag-unlad ng lipunan. / Len Montano with reports from Alvin Barcelona