Hustisya para sa binugbog na bata, panawagan sa social media
Galit na galit ang netizens sa sinapit ng isang batang babae na magang-maga ang mukha at halos hindi na makakita na resulta umano ng pambubugbog.
Kalat na kalat at viral ang mga larawan at video ng bata ngayon sa social media.
Sa naturang video na mayroon ng higit 2.5 million views at halos 90,000 shares, makikitang bugbog sarado ang bata at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.
Orihinal itong ipinost ng tiyahin ng biktima at inireupload ng Facebook page na may account name na ‘Boyfriend’.
Walang ibang bukambibig ang bata sa naturang video kundi ang mga salitang ‘bugbog’, ‘sampal’ at ‘palo’ habang nagpipigil sa pag-iyak at itinuro ang salarin sa pang-aabuso na kanya lamang katabi.
Bago ito, nauna nang ipinost ng biological mother ng bata ang larawan ng itinuturong salarin sa pambubugbog sa kanyang anak. Mayroon na itong higit 117,000 shares sa ngayon.
Kwento ng nanay, nasa pangangalaga ng ama at kasalukuyang girlfriend nito ang bata at laging sinasabi sa kanya na maayos ang kalagayan ng kanyang anak.
Nananawagan ang mga netizens sa gobyerno na manghimasok na sa kaso at nais panagutin ang ama ng bata at ang kinakasama nito na positibong itinuro ng bata na nambugbog sa kanya.
Samantala, may mga larawan ding kumakalat ngayon sa Facebook kung saan makikitang kinausap na ng kawani ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nambugbog sa bata.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.