3 patay sa pananalasa ng Habagat sa Metro Manila
Umabot na sa tatlo ang sinasabing nasawi kasunod ng mga pag-ulang naidulot ng Habagat sa Metro Manila.
Ayon sa Quezon City Police District, dalawa ang nasawi bunsod ng pagkalunod sa kanilang lungsod.
Kinilala ang mga ito na sina Gloria Mendoza at Gregorio Quilaton.
Natagpuan ang mga labi ni Mendoza sa isang creek sa Barangay Culiat bandang alas-3:45 ng hapon kung saan may mga sugat sa noo at iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sinasabing huling nakita ang biktima na lumulusong sa bahagi ng creek sa Barangay Old Balara.
Samantala, si Quilaton naman ay natagpuang wala ng buhay sa Barangay Sto. Domingo bandang alas-2:30 ng madaling araw.
Iniulat sa pulis na may isang bangkay ang natagpuan sa lugar na agad namang nirespondehan ng mga pulis.
Walang nakitang external injuries sa biktima na pinaniniwalaang nalunod.
Hawak na ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD ang dalawang kaso.
Isang residente naman ng Barangay Nangka, Marikina na kinilalang si Dioscoro Camacho, 36 anyos, ang nasawi rin dahil sa pagkalunod ayon sa kumpirmasyon ni Eastern Police District Director S/Supt. Bernabe Balba.
Naabutan na nagpapalutang-lutang ang labi ng biktima sa bahagi ng Marikina river sa Miraflores Street sa Barangay Concepcion Uno bandang alas-5:00 ng umaga.
Ayon kay Ronnie Bernados, housemate ni Camacho, lumabas ito alas-8:00 ng gabi ng Sabado para isalba sana ang kanyang motorsiklo dahil sa pagtaas ng baha ngunit hindi na ito nakabalik pa ng bahay.
Ayon kay Bernados, magaling lumangoy si Camacho at maaari anyang nakuryente ito bago tuluyang malunod sa baha.
Nagsagawa na rin ng physical examination ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng EPD sa katawan ng biktima.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.