Senate inquiry sa militarisasyon ng China sa WPS, magsisimula na ngayong araw

Inquirer file photo

Nakatakdang simulan ng Senado ngayong araw ang imbestigasyon sa umiigting na militarisasyon ng China sa West Philippine Sea.

Ang senate inquiry ay bunga ng apat na resolusyon na inihain sa kapulungan noong Pebrero at Mayo kasunod ng mga ulat na nag-deploy ang China ng missile systems sa Kagitingan Reef, Zamora Reef at Panganiban Reef.

Ang mga teritoryo ay bahagi ng exclusive economic zone ng bansa base sa deklarasyon ng international arbitral tribunal.

Ang senate inquiry ay isasagawa ng Committee on Foreign Relations at Committee on National Defense and Security sa pangunguna ng mga chairman nitong sina Sen. Loren Legarda at Sen. Gregorio Honasan.

Layon ng imbestigasyon ng senado na makahanap ng paraan upang masuportahan ang mga hakbang upang mapahupa ang tensyon habang itinutulak ang pagprotekta sa soberanya at territorial rights ng bansa.

Naghain din ng resolusyon sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto at Senate Minority Leader Franklin Drilon noong Mayo na humihimok sa Department of Foreign Affairs (DFA) na maghain ng diplomatic protest laban sa China dahil sa militarisasyon nito sa WPS.

Matatandaang kinumpirma mismo ng Chinese Foreign Ministry ang paglalagay ng missile systems sa mga teritoryo ngunit iginiit na wala itong tinatarget na bansa.

Read more...