Bayan Muna binatikos ang late mobile weather alerts

Hindi ikinatuwa ng grupong Bayan Muna ang mga late text alerts ng mga telecommunication companies patungkol sa sama ng panahong nararanasan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa isang pahayag, sinabi ni Bayan Muna chairman at dating mambabatas na si Neri Colmenares na luma na ang mga alert na nakararating sa mga mamamayan.

Ayon dito, imbes na makatulong ay naiinis lamang ang mga tao dahil sa late alerts.

Inihalimbawa pa ng dating mambabatas ang 2PM text alert kahapon kung saan nakasaad na nakataas ang red rainfall warning sa National Capital Region (NCR) at lalawigan ng Rizal ngunit dumating ito ng alas-5 ng hapon.

Gayundin aniya ang 8PM red rainfall alert na natanggap naman ng alas-10 ng gabi.

Dahil dito ay hinimok ni Colmenares ang mga telecom giants na ayusin ang kanilang serbisyo dahil maraming buhay ang nakasalalay dito.

Si Colmenares ang isa sa mga may akda ng Free Disaster Mobile Alerts Law.

Read more...