P1.3B pondo sa 4Ps beneficiaries, hindi naipamahagi ng DSWD

INQUIRER File Photo

Aabot sa P1.3 bilyong pondo para sa may P2 milyong mahihirap na pamilya na benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) ang hindi naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong 2017.

Ayon sa report ng Commission on Audit (COA), bigo ang DSWD na ibigay ang P500 buwanang ayuda para sa health grant at P300 ayuda para sa education grant ng mga benepisyaryo ng 4Ps.

Ipinamimigay ang 4Ps sa pamamagitan ng Landbank, Globe G-Cash o di kaya sa ibang rural bank.

Bukod dito, nabigo rin ang DSWD na ibalik ang P5.4 bilyong refund sa National Treasury para sa 4Ps grants noong 2013 hanggang 2017.

Ayon pa sa COA, bigo rin ang DSWD na magsagawa ng delisting sa mga benepisyaryo ng 4Ps kahit na hindi kumuha ng ayuda sa 4Ps.

Bigo rin ang DSWD na makapagpatayo ng 3,200 na temporary shelters para sa mga biktima ng Bagyong Yolanda sa Eastern Samar, Samar at Leyte.

Wala pang paliwanag ang DSWD sa report ng COA.

Sinubukan ng Radyo Inquirer na kunan ng pahayag si DSWD officer-in-charge Virginia Orogo subalit hindi sumagot sa mga tawag.

Read more...