Halos dumoble na ang presyo ng mga N95 face mask at halos maubos na rin ang suplay nito sa Cebu City dahil sa haze.
Mula sa presyong P55 bawat isa, nabibili ito ngayon sa lungsod sa halagang P105 bawat isang piraso.
May ilang kaso rin umano ng ‘hoarding’ sa N95 face mask ng ilang mga tiwaling negosyante upang mas tumaas pa ang presyo nito.
Dahil dito, nananawagan ang ilang opisyal ng lokal na pamahalaan sa Office of Civil Defense at sa Department of Trade and Industry na kontrolin ang presyo ng N95 mask na mabili ngayon sa Cebu City dahil sa umiiral na haze.
Una nang inabisuhan ng mga environment officials ang mga residente sa ilang lugar sa Visayas at Mindanao na magsuot ng mga face mask upang hindi makalanghap ng mga particulates mula sa haze.
Ngunit ayon sa pinakahuling ulat mula sa department of Environment and Natural Resources, bumaba na ang antas ng dust particles o ‘particulate matter’ sa hangin sa Metro Cebu.
Paliwanag ni DENR Director William Cuñado, ibig sabihin, bumalik na sa normal ang kalidad ng hangin sa naturang lugar.
Sa pinakahuling tala ng Department of Health, ilang sa mga lugar na apektado ng haze ay ang Cebu, Palawan at Leyte province at General Santos City, Davao at Cotabato.