1 milyong National IDs, ipamamahagi bago matapos ang taon – Rep. Aragones
Target ng gobyerno na makapag-isyu ng isang milyong Philippine National IDs bago matapos ang 2018.
Ito ay ayon mismo sa isa sa mga nagsulong ng Philippine Identification System (PhilSys) Act na si Laguna Rep. Sol Aragones na siya ring chairman ng House Committee on Population and Family Relations.
Sa isang panayam, sinabi ni Aragones na manggagaling ang isang milyong Filipino na ito mula sa mga benepisyaryo ng unconditional cash transfer program, senior citizens at persons with disability (PWD) mula sa NCR, CALABARZON at CAR.
Gayunman anya ay wala pang bidding na isinasagawa para sa pag-imprenta ng mga ID.
Ayon naman kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, plano nila na ma-imprenta ang mga ID sa mga palimbagan na pagmamay-ari ng pamahalaan tulad ng National Printing Office, APO Production Unit at Bangko Sentral ng Pilipinas.
Gayunman anya ay kailangang sumailalim ito sa proper bidding upang hindi makwestiyon ng Commission on Audit (COA).
Iginiit naman ni Andanar na ang kabuuang proseso ng pagbibigay ng National ID sa bawat isang Filipino ay aabutin ng limang taon.
Malaki anyang proyekto ang PhilSys at gagastusan ng malaking pera ngunit ang mahalaga anya ay ang magandang maidudulot nito sa mga mamamayan at sa pamahalaan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.