Gobernador at Kongresista ng Bohol, kinasuhan ng graft
Bilang bahagi ng patuloy na pagsugpo ng Office of the Ombudsman sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno, isang gobernador at isang kongresista na naman ang kinasuhan ng Ombudsman.
Nahaharap ngayon sa kasong graft sa Sandiganbayan sina Bohol Gov. Edgardo Chatto at Bohol Rep. Rene Relampagos dahil sa pagkakasangkot umano sa sadyang pagpapababa ng halaga ng privatization ng water at electricity utilities sa probinsya noong taong 2000.
Noong panahong iyon, si Chatto ang naninilbihang bise gobernador habang si Relampagos naman ang tumatayong gobernador.
Ito din ang panahon kung kailan nagkaroon ng kasunduan sa pagitan ng lokal na pamahalaan ng probinsya at ng private consortiums na Salcon International Inc., Salcon Power Corp., Pure and Pam Inc., Salcon Philippine Inc. at Salcon Ltd.
Sa reklamong pinirmahan ni Assistant Special Prosecutor Manuel Soriano Jr., sinabi ng Ombudsman na nagkaroon ng pagsasabwatan sa pagitan ng mga akusado para isagawa ang paglabag sa batas.
Si Chatto ay kasalukuyang miyembro ng Liberal Party (LP) at isa sa mga masugid na sumusuporta kay LP presidential bet Mar Roxas.
Bukod kina Chatto at Relampagos, dawit rin sa kaso ang mga Provincial Board Members na sina Arnold Lungay, Isabelito Tongco, Eufrasio Mascarinas, Concepcion Lim, Exequiel Madrinan, Severino Caberte, Tomas Abapo Jr., Francisco Alena Sr., Felix Uy, at Renato Inocentes Lopez.
Kasama rin sa nakasuhan ang presidente ng private consortium na si Dennis Villareal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.