Ilang bahagi sa Metro Manila muling binaha

Inquirer file photo

Dahil sa tuluy-tuloy nap ag-ulan ay binaha ang ilang mga lugar sa Metro Manila.

Maaga pa lamang kanina ay nagbaha ang bahagi ng Roxas Boulevard mula sa kanto ng Pedro Gill hanggang sa bahagi ng Vito Cruz.

Bukod sa tubig-baha sanhi ng paghampas ng tubig mula sa Manila Bay ay umapaw rin ang santabak na mga basura sa nasabing mga lugar.

Umabot naman nang hanggang sa tuhod ang baha sa Quirino Avenue malapit sa Plaza Dilao.

Sa Malabon City ay binaha rin ang Gov. Pascual Avenue na isinisisi naman ng mga residente sa mga baradong kanal.

Binaha rin ang boundary ng Maynila at Caloocan City sa tapat ng R. Papa station ng LRT 1.

Sa Makati City ay binaha ang ilang bahagi ng Pasong Tamo at Buendia sanhi ng pag-ulan.

Sinabi ng Metro Manila Development Authority na binaha rin ang kanto ng Tramo at Edsa sa Pasay City.

Sa Quezon city ay umabot nang hanggang sa tuhod ang mga baha sa ilalim ng Kamuning-Timog flyover.

Gutter-deep naman ang inabot ng baha sa kanto ng Tomas Morato at Scout Borromeo.

Sa ngayon ay patuloy na pinagagana ang mga pumping stations sa mga mabababang lugar para mabawasan ang pagtaas ng tubig sa ilang mga lansangan.

Nauna nang sinabi ng Pagasa na magiging maulan sa malaking bahagi ng bansa dahil sa Habagat at epekto pa rin ng bagyong Karding.

Read more...