Sa 4am weather advisory ng PAGASA, huling namataan ang bagyong Karding sa layong 990 kilometro Silangan-Hilagang-Silangan ng Basco, Batanes.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 90 kilometro kada oras.
Kumikilos na ito sa bilis na 25 kilometro kada oras sa direksyong Hilagang-Kanluran.
Samantala, ang binabantayan namang isa pang bagyo sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ay huling namataan sa layong 1,040 kilometro Kanluran ng Extreme Northern Luzon
Taglay ng tropical depression ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 75 kilometro bawat oras.
Patuloy na palalakasin ng dalawang bagyo ang ihip ng Habagat na magdadala ng mga katamtaman hanggang sa paminsan-minsan ay malalakas na pag-uulan sa Metro Manila, Batanes, Babuyan Group of Islands, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Central Luzon, CALABARZON, at MIMAROPA.
Dahil dito, posible ang mga pagbaha at pagguho ng lupa sa nabanggit na mga lugar.
Mas mahinang mga pag-ulan naman ang mararanasan sa Bicol Region, Western at Eastern Visayas at nalalabing bahagi ng Cagayan Valley.
Sa Central Visayas at buong Mindanao naman ay maganda ang panahon liban na lamang sa mga pag-ulan na dulot ng localized thunderstorms.
Nakataas ang gale warning sa Batanes, Calayan, Babuyan Group of Islands, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Zambales, Bataan, Palawan, western coast ng Batangas, Cavite at Occidental Mindoro.
Dahil dito ay mapanganib ang paglalayag para sa mga mangingisdang may maliliit na sasakyang pandagat.
Inaasahang ngayong araw, lalabas ng bansa ang bagyong Karding.