Isinagawa ang disposal ceremony na tinawag na ‘huling parangal sa watawat ng Pilipinas’ kasabay ng tradisyonal na flag-lowering sa national police headquarters.
Pinamunuan ang sermonya nina Chief of the Directorial Staff Deputy Director General Archie Gamboa at Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat.
Ayon kay Gamboa, ang bandila ng bansa ay sumisimbolo sa saksripisyo ng mga ninuno para sa kalayaan at hindi dapat pabayaang mayurakan ninuman.
“Ang watawat na ipinaglaban hanggang sa kamatayan ng mga ninuno ay huwag pababayaang yurakan ninuman. Panatilihin ang matingkad nitong kulay na simbolo ng ating mayamang kultura at kasaysayan,” ani Gamboa.
Isinalarawan naman ni Puyat ang watawat bilang kaluluwa ng bansa na anya’y nagpapakita sa pananampalataya sa Diyos, pag-unlad ng mamamayang Filipino at kumakatawan sa nakaraan, kasalukuyan at hinaharap ng bansa.
Sa ilalim ng Republic Act 8491, o ang Flag and Heralding Code of the Philippines, ang mga lumang watawat ay dapat sumailalim sa ‘proper disposal’ sa pamamagitan ng pagsunog upang maiwasang hindi na ito magamit pa sa maling paraan.
Papalitan ng PNP ang mga sinunog na bandila ng mga bago alinsunod sa batas.
Samantala, sa seremonya ay ipinakita rin ang 10 bandila na nagpapakita ng pagbabago sa watawat ng Pilipinas mula sa watawat na sumasagisag sa Kataas-taasan Kagalang-galangang Katipunan (KKK) hanggang sa bandilang ginagamit sa kasalukuyan.