Duet nina Regine Velasquez at Sarah G. viral sa social media

By Rhommel Balasbas August 11, 2018 - 01:10 AM

Bagaman isa na ring bituin sa larangan ng showbiz, patuloy na ipinapakita ng Popstar Royalty na si Sarah Geronimo ang pagiging ‘fan’ ng Asia’s Songbird na si Regine Velasquez.

Sa viral na video ngayon sa social media ay makikita ang dalawang pop superstars na nagsasanay at walang kahirap-hirap na ibinirit ang awiting ‘Sana Maulit Muli’.

Makikita rin sa video kung gaano kasaya si Sarah G., na makasama ang kanyang dating mentor.

Ang video ay ini-reupload ni Joever Hamoy Banquisio na sa ngayon ay may higit kalahating milyong views na habang ang kapareho ring video ay iniupload ni Nikkolo Celis Binuya na mayroon namang higit 400,000 views.

Ang naturang video ay nag-viral ilang araw bago ang nakatakdang concert ng dalawa sa Lunes, sa Araneta Coliseum para sa isang pribadong kumpanya.

Samantala ang bersyon ng dalawa ng awiting ‘Sana Maulit Muli’ sa rehearsal video ay kanilang inawit na sa “R3.0” anniversary concert ni Velasquez noong 2017 na umani ng papuri sa mga netizens.

Makailang beses na inihayag ni Geronimo ang kanyang pasasalamat kay Velasquez sa tagumpay ng kanyang karera sa showbiz.

Nagsimula sa showbiz si Sarah G noong 2003 matapos manalo sa singing contest na ‘Star for A Night’ kung saan ang host ay ang Asia’s songbird.

TAGS: Regine Velasquez, Sarah Geronimo, Regine Velasquez, Sarah Geronimo

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.