P50 million na mga pekeng produkto, dinurog ng BOC sa Laguna

 

Winasak ng Bureau of Customs o BOC ang aabot sa P50 million na halaga ng mga pekeng produkto.

Ginawa ng BOC ang pagsira sa fake goods sa Tritek Reverse Logistics Corporation, accredited condemnation facility sa San Pedro, Laguna, ngayong araw ng Biyernes (August 10).

Kabilang sa mga dinurog ng BOC ay tinatayang nasa kalahating milyong piraso ng rubber shoes, sandals, t-shirts at jackets na pawang mga imitasyon ng mga sikat na brands.

Ang mga naturang produkto ay nakumpiska mula sa ginawang raid sa Pasay City noong Disyembre 2017.

Karamihan sa mga ito ay galing pang China o Vietnam, at ilegal na binili nang walang ibinayad na duties and taxes.

Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, maaaring tumagal ng ilan pang araw ang pagsira sa mga pekeng produkto.

Kung hindi aniya nadiskubre ng BOC ang mga produkto ay tiyak na maibebenta ang mga ito na makakaapekto naman sa mga lehitimong negosyo sa bansa.

Dagdag ni Lapeña, ang pagwasak sa mga produkto ay para patunayan na hindi na marerecycle ang mga ito ng mga empleyado ng BOC.

Ang pagsira sa mga pekeng produkto ay bahagi rin ng Intellectual Property Code at obligasyon ng Pilipinas sa world trade treaties.

Read more...