Dismayado ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA matapos na malusutan ng sindikato ng droga sa Cavite.
Ayon kay PDEA Director Aaron Aquino, naabutan nila na wala nang laman ang apat na magnetic filters at abandonado na ang warehouse sa General Mariano Alvarez sa Cavite na puntirya ng kanilang raid.
Ang nasabing magnetic filters ay kayang maglaman ng isang toneladang shabu na nagkakahalaga ng P6.8 billion.
Sinabi ni Aquino na malaki ang posibilidad na nailabas na ang shabu bago dumating ang mga operatiba ng PDEA.
Ang ilegal na droga ay nabatid na galing sa Taiwan, Republic of China na ginamit ang Malaysia bilang transhipment point.
Naniniwala ang PDEA na ang shipment ay galing sa Golden Triangle syndicate.
Kaugnay nito, palaisipan pa rin kay Aquino kung paano nakapasok sa bansa ang nasabing kargamento.