Pinoy illegal aliens na nakakulong sa Sabah, Malaysia humingi na ng saklolo sa gobyerno

 

Nagpapasaklolo na sa pamahalaan ang mga Filipino na nakakulong sa detention facility ng Bureau of Immigration sa Sabah, Malaysia.

Ayon sa source ng Radyo Inquirer, nasa 3,500 Pinoys ang nasa apat na kulungan sa ilalim ng National Security of the Country ng Malaysia.

Kabilang na dito ang sa Papar, Mangatal, Tawau at Sandacan.

Sinabi pa ng source na marami na ang mga nagkakaroon ng sakit sa balat partikular ang mga bata at mga babae.

Karamihan aniya sa mga ito ay nakakulong ng anim na buwan hanggang isang taon.

Dapat ay hanggang tatlong buwan lamang ang mga ito sa Immigration facility at maaari nang maideport pero natatagalan ngayon.

Hindi maipadeport ang mga ito dahil sinabihan umano ng Philippine Embassy sa Malaysia na kailangan pang ipadala sa Maynila ang dokumento ng mga ito upang papirmahan kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Idinagdag ng source na noong mga nakaraang panahon, madaling naidedeport ang mga illegal alien dahil sa mabilis na aksyon ng embahada roon.

Read more...