Kerwin Espinosa, mas manganganib ang buhay kung aalisin sa kustodiya ng NBI

 

Naghain ng panibagong urgent ex-parte motion for issuance of commitment order ang kampo ni Kerwin Espinosa, na nahaharap sa pagdinig kaugnay sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

Batay sa dalawang pahinang mosyon na inihain ni Atty. Jesus Obejero Jr., iginiit na malalagay sa mas matinding panganib ang buhay ni Espinoa kung ililipat siya ng piitan mula sa National Bureau of Investigation o NBI detention facility patungo sa ibang piitan o sa Makati City Jail.

Katwiran ng kampo ni Espinosa, may naunang ruling ang Korte Suprema na kinikilala ang mga pagbabanta sa buhay ni Espinosa, maging sa usapin ng pagbibiyahe pa lamang sa akusado mula Maynila patungong Baybay, Leyte kung kaya’t pinayagan ng korte na siya’y manatili sa NBI.

Matatandaan na isang panibagong kaso na may kinalaman sa ilegal na droga ang inihain laban kay Espinosa sa Makati RTC, kaya’t nangangamba ang kampo nito na maglabas ng panibagong commitment order ang hukuman.

Si Espinosa ay personal na dumalo sa hearing ng Manila Regional Trial Court branch 26 sa sala ni Judge Silvino Pampilo Jr. kaninang umaga.

Sumalang si Police Chief Inspector Daryll Chua, na siyang signatory o nag-request ng search warrant para sa bahay ng dating alkalde ng Abuera, Leyte na si Ronaldo Espinosa, ang tatay ni Kerwin.

Ayon kay Atty. Obejero, malinaw sa mga naging pahayag ni Chua na walang kinalaman ang batang Espinosa sa nasabing raid kahit pa sabihin na tatay nito ang mismong salarin.

Itinakda naman ng Manila RTC branch 26 ang susunod na hearings sa August 17 at 24, 8:30 ng umaga.

 

Read more...