Isang yate, nagka-aberya sa West PH Sea; 4 na crew, nailigtas
Apat na crew ng isang motor yacht ang nailigtas matapos na magka-aberya ang makina ng yate habang nasa West Philippine Sea.
Ayon kay Captain Armand Balilo, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard o PCG, ang mga nasagip na crew ay ang mga Filipino-Australian na sina Peter Clark at Adam Clark; at mga Pinoy na sina Ryan Tadlas at Rodelio Pamaybay.
Naglalayag mula Hong Kong patungong Pilipinas ang motor yacht Duckling na sinasakyan ng apat na crew nang makaranas ito ng engine problem sa West Philippine Sea, 207 nautical mile kanluran ng Negra Points, Ilocos Norte.
Pinatunog ng yate ang distress call dakong 9:23 umaga ng Miyerkules (August 8), na nakuha naman ng Hong Kong Maritime Rescue Center bago ipagbigay-alam sa PCG.
Idineploy ng PCG ang BRP Suluan at nagpadala rin ng rescue vessel ang Taiwan Coast Guard, habang naka-alerto ang iba pang sea vessels sa lugar.
Pero ang MV Spring Wind, isang cargo vessel na patungong Batangas Port, ang nakakita sa yate at sinubukang magsagawa ng towing operations.
Gayunman, nang pabalik na sa Pilipinas ay nasira ang yate dahil sa malakas na alon, kaya naman iniwan na lamang ito sa dagat.
Inaasahang darating sa Batangas port mamayang hapon ang MV Spring Wind, sakay ang apat na nasagip na crew ng yate.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.