Nanawagan ang isang anti-corruption group kay Pangulong Noynoy Aquino na imbestigahan ang isang Justice ng Court of Appeals dahil sa umano’y pagtanggap ng suhol kapalit ng isang paborableng desisyon sa hukuman.
Ayon kay Dennis Mogare, tagapagsalita ng Alliance for Walang Corrupt or AliWaCo, batay sa kanilang impormasyon, isang CA Justice ang tumanggap ng P20Million bribe money mula sa isang kontrobersyal na negosyante na sangkot sa government housing at port operations.
Ang kinukuwestyong mahistrado ay naging Associate Justice ng CA noong 2008. Nabatid pa ng grupo na ang mahistrado ay bahagi rin ng panel na dumidinig sa kaso ni dismissed Makati Mayor Junjun Binay.
Nanawagan din si Mogare kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno na imbestigahan ang alegasyon na nabibili ang ilang desisyon sa CA.
Dapat din anyang magsagawa ang Ethics Committee ng Appellate Court ng sariling imbestigaayon at magsumite ng report at rekomendasyon sa loob ng 30 araw.
Nakahanda anya ang grupo na isumite sa Supreme Court ang pangalan, detalye at mga katibayan laban sa mahistrado.
Binigyang-diin ng grupo na nakalulungkot na sa ilalim ng Aquino administration ay uminit ang isyu ng tinatawag na “Justice for sale”.