Provincial buses bawal na sa Edsa simula sa Agosto 15
Simula sa Agosto 15 ay hindi na papayagan sa kahabaan ng Edsa ang mga provincial buses tuwing rush hours.
Sa inilabas na advisory ng Metro Manila Development Authority (MMDA), mula Lunes hanggang Biyernes simula 7am hanggang 10am ay bawal sa Edsa ang mga bus na galing sa lalawigan ganun rin mula 6pm hanggang 9pm.
Ang mga bus na galing sa Southern Tagalog area ay hanggang sa Southwest Interim Provincial Terminal na lamang na matatagpuan sa Diosdado Macapagal Boulevard sa Pasay City.
Para naman sa mga bus na galing sa Northern Luzon ay papayagan pa sila pansamantala hanggang sa kanilang mga terminal sa Cubao sa Quezon City.
Sa kasalukuyan ay naghahanap pa ang MMDA ng bakanteng lote para gawing common terminal para sa mga bus na galing sa Northern Luzon.
Ipinaliwanag ni MMDA General manager Jojo Garcia na ito na papatawan ng P2,000 multa ang lalabag sa nasabing kautusan na pinagtibay ng Metro Manila Council.
Kaugnay nito ay pinapayuhan ng MMDA ang mga pasahero na sa mismong mga bus terminal sumakay dahil hindi na papayagan ang pagkuha ng mga pasahero sa kahabaan ng Edsa tuwing off-peak hours.
Dalawang beses na nabalam ang pagpapatupad ng nasabing direktiba na naunang naikalendaryo noong July 15 at August 1.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.