Radyo Inquirer reporter Erwin Aguilon, pinarangalan ng kanyang bayang sinilangan
Tumanggap ng parangal mula sa kanyang bayang sinilangan sa San Pascual, Batangas ang isa sa senior reporter ng Radyo Inquirer na si Erwin Aguilon.
Personal na tinanggap ni Erwin ang parangal mula kay San Pascual, Batangas Mayor Roanna Dinglasan-Conti.
Kasama ni Erwin sa pagtanggap ng pagkilala ang kanyang maybahay na si Rose Arlene Paro-Aguilon.
Ang parangal ay kaugnay sa mga naiambag ni Erwin sa industriya ng malayang pamamahayag sa loob ng 17-taon at naging inspirasyon ng kanyang mga kababayan sa San Pascual, Batangas.
Sa kanyang mensahe ng pagtanggap, sinabi ni Erwin na ikinalulugod nito ang parangal mula sa kanyang bayan.
Pinasalamatan din nito ang kanyang mga kababayan gayundin sina Mayor Dinglasan-Conti at ang mister nito na si dating Commissioner Nick Conti.
Ang nasabi aniyang parangal ay hindi katulad ng nagmumula sa ibang award-winning body na kailangan magpasok ng “entry.”
Ipinagmalaki rin ni Erwin na produkto siya ng Ilat National High School na itinayo ng nagtatag ng bayan ng San Pascual na si dating Mayor Leonardo “Leoning” Mendoza.
Pinarangalan din ng bayan ng San Pascual ang mga nagsilbi sa kanilang bayan mula nang ito ay matatag kabilang ang mga dating barangay kapitan, barangay health workers at mga barangay tanod.
Panauhing tagapagsalita sa pagdiriwang ang anak din ng bayan ng San Pascual na si Batangas Provincial Administrator Librado Dimaunahan na binigyan din ng parangal.
Tumanggap din ng pagkilala si ABS-CBN Reporter Dennis Datu na katulad ni Erwin ay nagsimula sa kanyang “media career” sa dating Radyo Balisong DZBR sa Batangas City.
Ang “Gawad Parangal” ay isinagawa sa municipal gym ng nasabing bayan kasabay ng kanilang pagdiriwang ng ika-49 na taong pagkakatatag.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.