3 patay sa magkakahiwalay na operasyon sa Bulacan

By Jimmy Tamayo August 09, 2018 - 11:14 AM

Patay ang tatlo katao sa magkakahiwalay na operasyon sa iba’t ibang bayan sa Bulacan, madaling araw ng Huwebes (August 9).

Sa Bayan ng San Ildefonso, napatay ng pulis ang hinihinalang tulak nang droga makaraan na manlaban umano sa isang buy bust operation sa Barangay Lapnit.

Kinilala ang nasawi na si Estong Villanueva habang nakatakas naman ang isa nitong kasamahan.

Makaraan ang isang oras, isang hinihinalang miyembro ng gun-for-hire group ang napatay ng mga pulis sa Barangay Pinaod sa bayan pa rin ng San Ildefonso.

Nagsasagawa ng surveillance ang otoridad nang maispatan ang suspek na sakay ng motorsiklo.

Nang makatunog na minamanmanan siya ng mga pulis ay agad na nagpaputok ang suspek.

Nabatid na miyembro ng Michael Delos Reyes criminal group ang suspek na kinilala lamang sa Alyas Osbet.

Nakuha kay Alyas Osbet ang isang kalibre .45 at ang ginamit nitong motorsiklo.

Sa Bocaue Bulacan, isa ring drug suspect ang patay makaraang manlaban din sa mga pulis sa ikinasang drug buy bust operation sa Barangay Duhat bandang ala-1:00 ng madaling araw.

Isang pulis ang nagpanggap na bibili ng drogang nagkakahalaga ng P500 sa suspect na kinilala lamang sa Alyas Toto.

Agad umanong nakatunog si Alyas Toto na pulis ang katransaksyon kaya bumunot ng baril at nagpaputok sa mga pulis.

Gumanti naman ng putok ang mga pulis dahilan ng pagkasawi nito.

 

TAGS: drug buy bust operation, drug buy bust operation

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.