Namatay ang isang Junior Officer ng Philippine Army makaraan siyang matiyempuhan ng mga miyembro ng New People’s Army sa San Jose, Occidental Mindoro.
Ayon kay Army Spokesperson Col. Benjamin Hao, nasa kanilang mortuary na sa Fort Bonifacio ang mga labi ni 1Lt. Mike Nollora at mamayang gabi ay inaasahan na darating ang kanyang pamilya mula sa Panabo, Davao del Norte.
Sinabi ni Hao na bibisitahin ni Nollora ang kanyang mga tauhan sa Charlie Company ng 4th Infantry Battalion na nagbabantay sa Brgy.Monte Claro kahapon nang maka-engkuwentro niya ang mga rebelde at siya ay nabaril ng sniper ng kalaban.
Naulila ni Nollora na kabilang sa PMA Masiglahi Class of 2009 ang kanyang misis at dalawang maliliit pang mga anak.
Tiniyak naman ng tagapagsalita ng Philippine Army na agad ibibigay sa mga naiwan ni Nollora ang lahat ng mga benepisyo kasama na ang manggaling sa President’s Social Fund.
Nabatid sa autopsy report na major artery o pangunahing ugat sa ibabang bahagi ng katawan ang tinamaan kay Nollora kaya’t mabilis itong naubusan ng dugo na naging dahilan ng kanyang kamatayan.