Umabot sa halos 2.3 milyong aplikasyon ang natanggap ng Commission on Elections (Comelec) sa unang buwan ng muling pagbubukas ng voter registration para sa May 13, 2019 national elections.
Batay sa datos ng Election and Barangay Affairs Department (EBAD), nakatanggap ng 2,297,606 aplikasyon ang Comelec mula July 2 hanggang July 28, 2018.
Sa isang pahayag kahapon, araw ng Miyerkules, sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na ang dagsa ng aplikasyon ay bunsod ng maraming botante ang nais na mailipat ang kanilang registration records.
Hindi kasi anya pinayagan ito sa voter registration para sa 2018 Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Lumalabas sa datos na 1,054,067 ay application for registration habang 895,246 ang application for the transfer of records.
Sa kabuuang bilang, 1,037,265 ng mga aplikante ay lalaki habang 1,260 ang babae.
Pinakamarami ang aplikasyon sa Region 4-A o CALABARZON sa 372,834 na sinundan ng Region 3 o Gitnang Luzon sa 260,712 at pangatlo ang Metro Manila sa 255,796.
Magpapatuloy ang voter’s registration hanggang sa September 29, Lunes hanggang Sabado kabilang ang holidays mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.