Nagpapagaling na sa ospital ang dalawang pulis-Pasay, habang nasawi naman ang kanilang nakabarilang lalaki sa Barangay Malibay, Pasay City.
Kinilala ang suspek na si Edgardo Samson, habang nakilala naman ang mga sugatang pulis na sina PO1 Tina Villanueva at PO1 Arman Canezares.
Ayon kay Southern Police District (SPD) director, Police Chief Superintendent Tomas Apolinario, lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad na nagsasawa ng pagpapatrolya ang dalawang pulis sa lugar nang mamataan si Samson na mayroong bitbit na baril.
Nilapitan ito ng mga pulis, ngunit imbes na makipag-usap sa mga ito ay kumaripas ng takbo si Samson na siyang agad tinugis ng mga otoridad.
Nauna umanong nagpaputok ng baril ang suspek, kaya naman gumanti ng putok ang dalawang pulis.
Agad na nasawi si Samson, habang naisugod sa ospital ang dalawang pulis-Pasay matapos magtamo ng dalawang tama ng bala sa katawan.
Sa ngayon ay nasa maayos na kundisyon na sina Villanueva at Canezares.
Samantala, isang lalaki pa ang nahuli na nakilalang si Mark Vincent Ocampo, kasamahan ni Samson at nagtamo rin ng tama ng bala sa binti.
Dinala si Ocampo sa Pasay General Hospital.
Narekober sa pinangyarihan ng engkwentro ang isang fragmentation grenade.