Gobyerno tatanggap ng volunteers para sa federalism campaign

Bukas ang gobyerno na tumanggap ng volunteers para sa isasagawang information drive para sa isinusulong na federalismo.

Ayon kay Presidential Communications Sec. Martin Andanar, sinumang interesado ay pwedeng makipag-ugnayan sa kanyang opisina o hindi kaya sa Department of Interior and Local Government (DILG).

Sinabi ni Andanar na ang mga volunteers ay isasailalim sa training at bibigyan ng mga information materials tungkol sa federalismo para masiguro na epektibo at ‘consistent’ ang kampanya.

Sinabi rin ng kalihim na mas maraming volunteer ay mas mabuti dahil ang federalismo ay para sa bawat Filipino at sa buong bansa.

Gayunman, ayon sa kalihim ay isasapinal pa ng inter-agency task force ang communication campaign strategy para rito.

Kabilang anya sa grupo ang kanyang opisina, Office of the Executive Secretary, DILG, at ilang mga miyembro ng consultative committee na bumalangkas sa sa federal Constitution.

Magsasagawa ng pulong ngayong linggo ang task force para ang mensahe ay opisyal, hindi nakalilito at walang naliligaw.

Samantala, dagdag pa ni Andanar, pwede pa rin namang sumali si Assistant Secretary Mocha Uson sa kampanya kung gusto nitong mag-volunteer dahil bukas ito para sa lahat.

Ito ay sa kabila ng kontrobersiyang kinasadlakan ni Uson dahil sa ‘ipederalismo’ video.

Read more...