Mga bagong panganak sakop na rin ng national I.D system

Inquirer file photo

Kasama na sa bagong batas na Philippine National I.D System ang mga bagong silang na sanggol sa Pilipinas.

Sa pulong balitaan sa Malacañang, sinabi ni Philippine Statistics Authority (PSA) Administrator Liza Grace Bersales na pagkasilang pa lamang ng isang sanggol at naipasa sa local civil registry ang certificate of live birth sa PSA ay agad itong bibigyan ng citizen’s number.

Ilalagay din sa Philippine I.D card ng bata ang social security number ng nanay nito o guardian.

Pero ayon kay Bersales, pagtungtong sa ika-limang taong gulang pa lamang maaring kunan ng biometrics ang sanggol o sa pagsisimulang pumasok sa kindergarten.

Ang citizen’s I.D card number ng bata ay magsisilbi na nitong student number hanggang pagsapit nito ng kolehiyo o kahit na kumuha ng post graduate studies.

Uulitin na lamang ang biometrics sa pgasapit 15 o 18-anyos depende sa implementing rules and regulations na binabalangkas pa ngayon.

Samantala, isang milyong Unconditional Cash Transfer o UCT beneficiaries ang unang mabibigyan ng Philippine I.D para sa pilot issuance nito.

Ayon kay Bersales, bago matapos ang taong ito ay inaasahang maibibigay na nila sa UCT beneficiaries ang mga identification cards.

Maari aniyang matapos ang pamimigay ng I.D sa susunod na tatlo hanggang limang taon kung saan aabot sa P30 Billion ang inilaang pondo para sa kabuuang implementasyon ng bagong batas

Tiniyak ni Bersales na walang dapat ipag alala ang mga Filipino dahil ang parehong mga demographic information sa ibang mga taglay na I.Ds ang kanila ring ilalagay sa Philippine I.D.

Kabilang dito ang pangalan, araw ng kapanganakan, lugar ng kapanganakan, kasarian, blood type, address, nationality.

Optional naman ang marital status, email address at mobile phone number.

Kukuhanin din ang biometrics ng indibidwal tulad ng facial imagery, iris ng mata, at sampung finger capture.

Read more...