TRAIN 2, maaaring magdulot ng tuition fee hike sa mga pribadong eskwelahan – Bam Aquino

 

Inquirer file photo

Tiniyak ni Senador Bam Aquino na haharangin niya ang probisyon sa second package ng Tax Reform Law na naglalayong doblehin ang buwis na ipapataw sa mga pribadong paaralan.

Sa isang statement nitong Miyerkules, sinabi ni Aquino na ang kasalukuyang preferential tax na 10% na nakapataw sa private schools ay tataas ng 25% sa ilalim ng tax reform law.

Aniya, ang mga pamilyang nagpapaaral din ang magpapasan ng hirap dahil sa pagtaas ng matrikula.

Maaapektuhan din umano ang kalidad ng edukasyon na ini-aalok ng mga eskuwelahan dahil pagtaas ng buwis.

Naghain na ng panukala si Senate President Vicente Sotto III ng second tranche ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN law.

Sinabi ni Sotto na ang proposed bill ay may layuning i-rationalize ang sistema ng buwis, pababain ang corporate income tax sa 25% mula sa 30%, at i-modernize ang incentives upang makahimok ng mga bagong industriya.

Isang kaparehong panukala sa House of Representatives na tinawag na Tax Reform for Attracting Better and High-Quality Opportunities o TRABAHO bill ang lumusot na sa lebel ng komite.

Ang proposed measure ay panghalili umano sa TRAIN 2 bill.

Layunin ng TRABAHO bill na magbigay ng mga bagong pamumuhunan sa labas ng mga urban area ng karagdagang dalawang taon na insentibo.

 

Read more...