Bahagi ng airport sa Germany pansamantalang isinara sa mga pasahero
Pansamantalang itinigil ang pagpapasakay ng mga pasahero sa Area A ng Terminal 1 ng Frankfurt Airport sa Berlin, Germany kahapon.
Ito ay dahil mayroon umanong ilang tao na nakapasok sa security area paliparan nang walang pahintulot.
Makalipas ang dalawang oras ay inanunsyo na ng pamunuan na bukas na ang lahat ng isinarang area sa paliparan at balik-serbisyo na ang kanilang mga operasyon.
Matapos ang insidente ay naglabas ng opisyal na statement ang mga otoridad at sinabing nagpositibo sa explosives test ang isang pamilya ngunit pinayagan ang mga ito ng isang aviation security assistant na makapasok sa security area.
Nang malaman ang tungkol sa explosives alarm ay agad na hinanap ng mga otoridad ang pamilya, ngunit hindi sila mahanap sa checkpoint. Kaya naman itinigil ang boarding sa ilang bahagi ng paliparan at nagsagawa ng evacuation upang mahanap ang pamilya.
Sa pamamagitan ng security camera sa paliparan ay nahanap ang pamilya at agad silang kinapkapan at kinwestyon, kung saan napatunayang negatibo ang mga ito sa anumang uri ng pampasabog.
Bagaman pinayagan nang makalipad ang pamilya at balik-serbisyo na ang paliparan, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad tungkol sa insidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.