Cast ng reboot ng ‘Charmed’ dumepensa sa mga pagbabago sa series

By Justinne Punsalang August 08, 2018 - 12:39 AM SHARE(S):
AP

Dinepensahan ng cast at producers ng reboot ng US television series na ‘Charmed’ ang mga pagbabagong ginawa sa serye na ikinadismaya ng marami.

Katulad ng original series na ipinalabas mula 1998 hanggang 2006, sesentro ang kwento ng reboot sa tatlong magkakapatid na babae na madidiskubreng sila pala ay mga witches.

Ngunit dahil sa pagbabago ng panahon ay naisipan ng CW Television Network na lagyan ang series ng mga isyu na kinakaharap ngayon ng lipunan kabilang na ang MeToo movement na tumatalakay sa sexual harassment at assault.

Unang napansin ng mga fans ng original ‘Charmed’ series na magkakaibang ethnicity ang magkakapatid. Ngunit ayon kay Jennie Snyder Urman na siyang executive producer, isa itong repleksyon ng nagaganap sa lipunan at layunin nitong talakayin ang tungkol sa racial discrimination.

Ikinadismaya rin ng mga fans, maging ng isa sa dating cast ng serye na si Holly Marie Combs ang paglalagay ng feminist touch sa serye na para sa kanila ay nagawa na ito sa orihinal na palabas ng ‘Charmed.’

Ayon kay Madeleine Mantock na gaganap bilang si Macy Vaughn sa serye, nalungkot sila sa natanggap na negatibong reaksyon ng mga fans, lalo na’t maganda naman aniya ang script.

Dagdag nito, naintindihan niya ang saloobin ni Holly Marie dahil protective ito sa serye na una niyang pinagbidahan.

Marami sa mga fans ang nadismaya dahil reboot at hindi revival ang ginawa sa ‘Charmed.’ Bukod sa iba ang kapangyarihan ng isa sa mga karakter ay nag-iba rin ang pangalan ng mga karakter, at maging ang kabuuang kwento nito ay nag-iba na hindi ikinatuwa ng mga fans.

Ang iba pang mga aktres na lalabas sa serye ay sina Melonie Diaz bilang Mel Vera, at Sarah Jeffrey bilang Maggie Vera.

Sa October 14 ngayong taon nakatakdang ipalabas ang pilot episode ng reboot ng ‘Charmed.’

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.