“More payong, more fun.”
Yan ang caption ng viral video ngayon sa social media, kung saan makikita na mistulang may waterfalls dahil tumutulo ang tubig sa loob mismo ng tren ng Metro Rail Transit o MRT-3.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Giselle Visitacion Tolosa, ang nag-upload ng video, naganap ang insidente sa pagitan ng alas-kwarto hanggang alas-singko ng hapon ng Martes (August 7).
Partikular na nangyari ito sa biyaheng Bonifacio hanggang Taft, kaya naman kitang-kita na asar na asar ang mga pasahero.
Mapapansin na karamihan sa mga natutuluan ay nagbukas na ng kanilang payong.
Sinabi ni Tolosa na bagama’t tumila na ang ulan, may tubig pa rin sa loob ng tren.
Kayan naman, ani Tolosa, walang ideya ang mga pasahero kung dahil ba sa ulan ang pagtulo ng maraming tubig sa loob ng tren, o dahil ito sa aircon ng tren.
Sa ngayon, may mahigit 4,000 views na ang video ni Tolosa.
Sa mga oras na ito ay hinihintay pa ang reaksyon ng Department of Transportation o DOTr ukol sa insidente.