Pacquiao sinalungat ng CBCP sa pagtulak sa death penalty

Nililinlang umano ni Senator Manny Pacquiao ang publiko ukol sa death penalty sa pamamagitan ng kanyang maling interpretasyon ng Bibliya ayon sa isang opisyal ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines o CBCP.

Sinabi ng Pacquiao noong nakaraang linggo na hinihimok niya ang mga kapwa senador na aprubahan ang pagbabalik sa death penalty bago matapos ang taon.

Katanggap tanggap aniya ang capital punishment dahil nasa Bibliya ito.

Ngunit ayon kay Rodolfo Diamante, Executive Secretary ng CBCP Commission on Prison Pastoral Care na mali ang interpretasyon ng mambabatas sa Bibliya.

Ani Diamante, misleading umano ang pagkakaintindi ni Pacquiao sa scriptural passage at delikado.

Kamakailan ay inupdate ng Simbahang Katolika ang katekismo nito at sinabing hindi katanggap tanggap ang death penalty dahil pag-atake anya ito sa kabanalan at dignidad ng isang tao.

Pinayuhan ni Diamante si Pacquiao na siyang nangunguna sa mga diskusyon sa Senate Justice Committee ukol sa death penalty na magsagawa muna ng solid research bago siya magbahagi ng kanyang saloobin sa kahit anong isyu.

Dagdag pa ni Diamante, iniluklok ng mga tao si Pacquiao sa pwesto upang protektahan at mapabuti ang kalidad ng kanilang buhay at hindi upang wakasan ito.

Pinanindigan naman ni Pacquiao na mayroong God given authority ang pamahalaan upang ipatupad ang death penalty at binanggit pa nito ang Romans 13 verses 1 to 7 sa Bibliya upang patunay sa kanyang paniniwala.

Sa nasabing pagbasa ay ginamit ang salitang “sword” na ayon kay Pacquiao ay tumutukoy sa pagpugot ng ulo.

Noong nakaraang taon ay inaprubahan ng House of Representatives ang panukalang ibalik ang death penalty bilang parusa sa mga may paglabag kaugnay ng iligal na droga.

Gagamit naman anya ng “gentle persuasion” ang palasyo sa mga senador upang maaprubahan ang panukala, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Matagal nang isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbalik sa death penalty sa bansa kung saan mahigit 80 percent ng mamamayan ay Katoliko, ngunit sa kabila nito ay iginigiit ni pangulko ang laban kontra iligal na droga at kampanya kontra krimen.

Read more...