Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Moro na makiisa sa plebesito para sa Bangsamoro Organic Law (BOL).
Sa talumpati ng pangulo sa ceremonial signing ng BOL kaninang hapon sa Malacañang ay kanyang sinabi na sa pamamagitan ng plebesito ay maihahayag ng mga Moro ang kanilang soberenya sa pamamagitan ng pagboto sa balota.
Ipinaliwanag rin ng pangulo na mahalaga na bigyan ng tsansa ang bagong batas para makamit ang adhikain ng mga Bangsamoro na magkaroon ng sariling autonomiya.
Hinimok rin ni Duterte ang mga Moro na makipagtulungan para sa healing at reconciliation process.
Kasabay nito, pinasalamatan ng pangulo ang Bangsamoro Transition Commission (BTC), Moro Islamic Liberation Front at Moro National Liberation Front dahil sa pagiging determinado na maisabatas ang BOL.
Dagdag pa ng pangulo, “I ask my Bangsamoro brothers and sisters, as well as the indigenous communities and Christian settlers living within the Bangsamoro areas, to actively participate in constructive discussions about the law in your homes, in your villages, and communities”.
Noong July 26 nang ihayag ni Pangulong Duterte sa isang talumpati sa Ipil, Zamboanga Sibugay na nilagdaan na niya ang BOL subalit kanina lamang isinagawa ang ceremonial signing ng bagong batas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.