Drug suspect sugatan, 3 iba pa arestado sa operasyon ng mga pulis sa Lucena City

Isa ang sugatan at arestado ang tatlong iba na pawang mga drug suspect makaraang salakayin ng mga pulis ang isang tahanan sa Lucena City.

Armado ng search warrant, sinalakay ng mga otoridad ang bahay ni Nelson Chua, 58 anyos sa Barangay Ibabang Dupay, Linggo ng gabi.

Ayon kay Supt. Romulo Albacea, Lucena police chief, habang ipinatutupad ang search warrant, bumubot ng baril si Chua pero naunahan siyang pumutok ng isa sa mga otoridad.

Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kanang hita si Chua at nakuha sa kaniya ang kalibre 38 na baril.

Nadakip din sa nasabing operasyon sina Rizalina Tolentino, 50 anyos; Aldrin Aparte, 49 anyos; at Lem Garcia, 50 anyos na nahuli sa aktong nagpo-pot session sa bahay ni Chua.

Nakuha mula sa mga suspek ang mga sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 17 gramo na tinatayang aabot sa P31,450 ang halaga, isang a caliber .38 revolver na may dalawang bala, isang granada at mga several drug paraphernalia.

Dinala naman sa Quezon Medical Center si Chua.

Read more...