Mag-iina patay sa bumigay na tulay sa Maguindanao

Patay ang isang ina at dalawa niyang anak makaraang gumuho ang tulay na gawa sa kawayan habang sila ay tumatawid dito sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan sa South Upi sa Maguindanao.

Ayon kay Chief Supt. Graciano Mijares, police director ng PNP-Autonomous Region in Muslim Mindanao (PNP-ARMM), kinilala ang ginang na si Linda Modunggel at anak niyang sina Melanie, 12 anyos; at Ritchel, 1 taong gulang.

Bumagsak umano ang bamboo footbridge na dinaraanan ng mag-ina habang tinatawid ang Bantek River sa Barangay Bantek.

Dahil dito, nahulog sa ilog ang mag-iina at inanod na ng tubig.

Kabilang sa Teduday indigenous peoples sa Maguindanao ang mag-iinang Modunggel.

Agad namang natagpuan ang katawan ng mag-iina.

Nagpahatid na ng tulong ang lokal na pamahalaan ng South Upi sa mga biktima para makatulong sa kanilang libing.

Read more...