Sa 4am weather advisory ng PAGASA, huling namataan ang unang sama ng panahon sa layong 615 kilometro Kanluran ng Subic, Zambales.
Ang isa naman ay namataan sa layong 1,280 kilometro Silangan ng Tuguegarao.
Ayon sa weather bureau, mas mataas ang tyansa na maging ganap na bagyo ang sama ng panahon sa Silangan ng Tuguegarao.
Hindi naman inaasahang tatamasa kalupaan ang sama ng panahon kung sakaling maging bagyo.
Samantala, patuloy na nakakaapekto ang Habagat sa Southern Luzon at Visayas.
Patuloy na makararanas ng kalat-kalat na mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, MIMAROPA at Western Visayas.
Ibinabala pa rin ang posibilidad ng mga pagbaha at pagguho ng lupa.
Sa Metro Manila naman at nalalabing bahagi ng Luzon, nalalabing bahagi ng Visayas at Mindanao ay maalinsangan ang panahon na may posibilidad ng mga panandaliang pag-ulan na dulot ng isolated thunderstorms.