Pulis-Cebu na inaakusahang shooter, inilibing na

Inihatid na sa huling hantungan ang pulis na napatay sa shootout na naganap sa Cebu City.

Napatay si Police Officer 3 Eugene Calumba ng bodyguard na nakilalang si William Macaslang dahil sa umano’y planong pananambang nito sa baranggay konsehal na si Jessielou Cadungog.

Matapos ang pangyayari ay inihayag ni Cebu City Mayor Tomas Osmeña na may ilang mga pulis ang sangkot sa pagpatay sa kanyang lungsod.

Gayunman, pinabulaanan ng Police Regional Office (PRO)-7 na isang hitman si Calumba at nagsasagawa lamang ito ng surveillance work bago ito mapatay.

Mariin ding itinanggi ito ng asawa ni Calumba na si Rosemarie at iginiit na isang dedikadong pulis ang kanyang mister.

Inilibing ang pulis sa kanyang hometown sa Dumaguete City, Negros Oriental.

Buong pwersang nakipaglibing ang mga kasamahan ni Calumba na karamihan ay mula sa Negros Oriental Provincial Police Office (NORPPO) kung saan mas matagal itong nanilbihan.

Dumalo rin sina NORPPO acting director Senior Superintendent Raul Tacaca, Cebu City Police Office (CCPO) chief Senior Superintendent Royina Garma, at Dumaguete City Police chief Superintendent Jonathan Pineda.

Inihahanda na ang kasong frustrated murder laban kina Macaslang at Cadungog ayon kay Garma.

Read more...