EXLUSIVE: NutriAsia, itinangging may kinalaman sa marahas na dispersal sa mga manggagawa
Itinanggi ng tinaguriang condiments giant na NutriAsia ang pagkuha ng goons para buwagin ang mga manggagawa nila na nagpoprotesta sa labas ng kanilang factory sa Marilao, Bulacan.
Iginiit ng kanilang tagapagsalita na si Thelma Meneses na hindi sila gumamit ng ganoong taktika para i-disperse ang hanay ng mga raliyista.
Samantala, kumalat naman sa social media ang video footage na nagpapakita sa tunay na nangyari noong Hulyo 30 kung saan nauwi sa karahasan ang pagkilos ng mga manggagawa.
Kitang-kita sa video kung paano nagsimula ang komosyon.
Paglilinaw ni Meneses, hindi nanggaling sa kanila ang naturang video footage sa halip ay napanood na lamang nila ito nang kumalat na sa social media.
Giit pa ni Meneses, galing sa mga lehitimo at professional security agencies ang kanilang mga security guards kaya’t walang katotohanan ang paratang na kumuha sila ng mga bayarang goons.
Nanindigan din ito na handa nilang patunayan na hindi sila ang pasimuno sa naturang gulo at handa nila itong patunayan sa proper forum.
Una nang inakusahan ng mga manggagawa ang NutriAsia ng umano’y pagkuha ng goons para buwagin ang kanilang hanay.
Hindi bababa sa 19 katao ang ikinulong sa Meycauayan Police Station.
Samantala, itinanggi naman ng mga pulis sa pangunguna ni Supt. Santos Mera na gumamit ang mga pulis ng dahas sa pagbuwag sa mga raliyista.
Una nang ipinag-utos ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa NutriAsia na i-regularize ang 80 manggagawa mula sa kanilang contractor na AsiaPro Multi-Purpose Cooperative. Ang naturang kautusan ay hindi pa pinal at executory.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.