LAHAT NG “PDAF CUSTOMERS” NI NAPOLES, IBULGAR sa “Wag kang Pikon!” ni Jake Maderazo

Inquirer file photo

Isa nang “international celebrity” ngayon si Janet Lim-Napoles at lima niyang kaanak matapos idemanda ng US grand jury ng “money laundering” at pagpasok ng $20M (P1-B) na ninakaw na pondo sa Amerika. Plano rin ng US attorney’s office na i-extradite sa Amerika si Janet, mga anak na sina Christine, Jeane, James Christopher, kapatid na si Reynald Uy Lim at asawa nitong si Ana Marie.

Marami nang naka-transaksyon itong si Napoles noong panahon ni dating pangulo at ngayo’y Speaker Gloria Macapagal Arroyo, at ex-President Noynoy Aquino. Alam niyo rin na itong si ex-Justice Secretary Vitaliano Aguirre at Solicitor General Jose Calida ay pursigido na gawing state witness si Napoles para ibulgar naman ang mga padrino nito sa “Tuwid na daan”. Kaya lamang, nadiskaril si Aguirre at napalitan ni Sec. Meynardo Guevarra, dating deputy executive secretary ni Pnoy. Inalis na rin ni Guevarra si Napoles sa “witness protection program”. At kapag kinuha ng Amerika si Napoles, gustong-gusto ito ng kanyang mga kalaban.

Si Napoles ay nakakulong ngayon dahil sa mga kaso sa PDAF scam, kung saan isinangkot din ang mga opposition senator noon na sina Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla.

Sabit din siya sa “plunder case” ukol sa P900-M Malampaya fund scam, kasama ng 20 opisyal ng Arroyo administration pero dinismis ito ng”Ombudsman noong 2017 at ginawa na lamang “graft and malversation”. Kasama dito ang Arroyo cabinet member na si dating Budget secretary Rolando Andaya Jr. na ngayo’y bagong Majority Leader sa Kongreso.

Kung papansinin niyo, puro mga administrasyong Arroyo at oposisyon sa Tuwid na daan ang tanging kinakasuhan sa DOJ, Ombudsman, Sandiganbayan at iba pa. Ang sabi ng Tuwid na Daan, si Janet Lim-Napoles, ang pinaka-mastermind sa bilyun-bilyong pisyong PDAF scam. Sa kanyang mga affidavit sa korte, iginigiit ni Napoles na hindi siya maaring kasuhan dahil hindi naman siya opisyal ng gobyerno na merong kontrol sa pondo. Ang dapat daw kasuhan ay ang mga government officers na siyang nagdedesisyon.

Kaya’t maraming nagtataka sa kakayahan ng “high school graduate” si Napoles atr namaniobra niya ang kumplikadong sistema ng gobyerno at manakaw ang P10-B PDAF scam. Kung hindi siya, sino ang nagturo sa kanyang magtayo ng mga pekeng “foundations”? Si dating Budget Secretary Butch Abad, sabi ni Lawyer Stephen David, abugado ni Napoles, noong 2017 TV interview. Meron din daw 120 mambabatas na sabit sa PDAF scam na ibinigay si Napoles kay dating Justice Secretary ngayo’y Senador Leila de Lima, pero wala nang nabalita.

Nitong Marso, ibinulgar naman ni Pastor Boy Saycon sa Radyo Inquirer na 11 mambabatas ang tumanggap ng “campaign contributions” mula kay Napoles. At maging si Pnoy noong 2010 ay tumanggap ng P90-M kay Napoles, na ayon kay Boy Saycon ay hindi dineklara ni Pnoy  sa kanyang SALN.

Kung susuriin, limang taon nang nakakulong si Janet Lim Napoles pero ang mga kasabwat niya noong panahon ng Tuwid na Daan, partikular sa mga taga-Liberal Party ay hinahanap ng taumbayan.  Napakulong na natin ang mga tatlong senador ng oposisyon noon, pero hindi ba dapat lang malaman natin ang totoong pinuntahan ng P10-B PDAF scam?

Dapat kasuhan sila, ngayon na!

Read more...