Suportado ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI) ang plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpadala ng frigate sa Libya upang tumulong sa rescue ng tatlong Pinoy engineers na dinakip sa bansa.
Sa isang panayam sinabi ni CBCP-ECMI Chairman Bishop Ruperto Santos na suportado nila ang plano na ginawa rin ng South Korea.
Tulad anya ng SoKor ay dapat ipakita ng Pilipinas ang pagkakaisa para mapalaya ang mga dinakip na Pinoy.
Nanawagan din si Bishop Santos sa Department of Foreign Affairs (DFA) na gawin nito ang lahat ng makakaya para masiguro ang ligtas na pagpapalaya sa tatlong Filipino engineers.
Iginiit din ng pinuno ng CBCP-ECMI na patuloy silang nananalangin sa Diyos para sa kaligtasan ng mga OFWs lalo na sa pagpapalambot sa puso ng mga dumakip dito.
Noong Biyernes ay inihayag ng pangulo ang intensyong magpadala ng frigate sa Libya matapos ang deployment ng South Korea ng kanilang barkong pandigma.