P1-M reward laban sa apat na militanteng dating mga mambabatas

Inquirer photo

Nag-aalok ng isang P1 Million na reward si Atty. Ferdie Topacio para sa sinumang makakapag-turo sa pinagtataguan ng apat na wanted na miyembro ng makakaliwang grupo.

Sa kanyang ipinatawag na press conference, sinabi ni Topacio na P250,000 ang kanyang inilaan para mahuli sina dating bayan Muna Representatives Satur Ocampo at Teddy Casiño, dating Gabriela Representative at ngayo’y National Anti-Poverty Commission Chair Liza Maza at dating Anakpawis Representative at dating Agrarian Reform Sec. Paeng Mariano.

Ipinaliwanag ng nasabing abogado na bilang pinuno ng Citizen’s Crime Watch ay may tungkulin siyang tiyakin na maaaresto ang mga wanted sa batas lalo’t sangkot sa kasong pagpatay ang mga pinaghahanap na dating mga mambabatas.

Dagdag pa ni Topacio, may ilang mga concerned citizens ang nagtulong-tulong para makalikom ng nasabing halaga na ipambabayad bilang reward.

Magpapakalat rin sila ng mga tarpaulin sa ilan mga lugar sa bansa para madaling maaresto ang mga pinaghahanap ng batas na mga dating mambabatas.

Nauna dito ay isang team mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang binuo ni PNP Chief Oscar Albayalde para hulihin ang apat na wanted.

Read more...