Mayor Erap at Sandra Cam, nagkasagutan

By Arlyn Dela Cruz October 26, 2015 - 06:24 AM

arlynI was asked by a good friend not to write about this. Makakasira raw sa dating pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada. It may or may not, depende sa pananaw. Nagpasya akong isulat sa kabila ng pakiusap ng isang kaibigan dahil naniniwala akong may punto rin naman si Estrada na personal niyang pasya kung sino ang kanyang susuportahang mga kandidato sa pagka-senador.

Bago ang punto ng punto ni Erap, yung kuwento muna.

Huwebes ng hapon, ika -22 ng Oktubre ay nagkita kami ng kilalang whistleblower na si Sandra Cam. May ibabahagi siyang dokumento sa isang anomalya na dati na niyang pinaputok sa media. Nagulat ako nang datnan ko siya sa sulok ng isang restaurant sa Quezon City na lumuluha. May kausap siya sa cellphone at ang nadinig kong sinabi niya sa kausap niya, “Hindi ko akalaing gagawin niya sa akin ito”. Hinayaan ko siyang tapusin ang kanyang pakikipag-usap sa cellphone.

Nang matapos, tinanong ko si Sandra kung ano ang bumabagabag sa kanya at doon ay lalo siyang naiyak. First time kong makita in person si Sandra na umiyak. May nagpasama nga ng labis sa loob nito.

Sabi niya, “nagsigawan at nagduruan kami ni Mayor Erap kaninang umaga”, araw nga ng Huwebes at iyon ay naganap sa mismong tanggapan ng alkalde ng Maynila.

Nag-ugat ang sigawan nang alamin ni Cam sa alkalde at dating pangulo kung bakit hindi siya kasama sa personal choice ng kandidatong mga senador na inilabas sa media kamakailan ni Estrada. Tumayo ang alkalde, dinuro siya at nagtaas ng boses ani Cam at sinabi sa kanyang “Hindi ako ang nagpatakbo sa iyo! Kausapin mo ang nagpatakbo sa iyo!”

May mga ibang bisita sa tanggapan ni Mayor Erap nang mangyari ito kaya’t si Cam anya ay tumayo din at nagtaas ng boses at sinabi sa alkalde na “Tao ninyo ako! Tao ninyo ako! Bakit mas pinili ninyo ang iba? ” Nagbanggit si Cam ng mga pangalan ng mga kandidatong senador na sa tingin niya ay hindi dapat kasama sa listahan ng personal choice ng dating pangulo. Dito na lalong nagalit si Estrada sa kuwento ni Cam. Ang sabi ng alkalde, ” Wala kang pakialam kung sino ang personal choice ko sa Senado! Hindi ako ang nagpatakbo sa iyo!”

erap camNagtagal pa ang sigawan ng dalawa hanggang sa umalis ang alkalde sa kanyang tanggapan at naiwang humahagulgol si Cam.

Sa dokumentong hawak ni Cam, ang anak ni Mayor Erap na si Senador Jinggoy Estrada bilang opisyal ng Puwersa ng Masang Pilipino o PMP ang may nominasyon sa kanya na kumandidatong senador. Maging si Jinggoy umano ay nagulat sa nangyari ngunit nauunawaan ani Cam na ang suporta nito ay mas kumiling sa kanyang sariling ama kapartido. Pinakiusapan siya ni Jinggoy na huminahon at baka magbago ang isip ng ama.

Ngunit ani Cam, itutuloy niya ang kanyang kandidatura bilang senador kahit walang suporta ni Estrada o ng partidong mismong kanyang kinabibilangan. Ang Bicol Block ani Cam ang siyang susuporta sa kanya.

May punto si Cam na sumama ang loob. Matagal-tagal din siyang nasa panig ng mga Estrada o ng mg Ejercito sa ilalim ng PMP.

May punto rin si Estrada na walang pakialam ang sinuman sa personal choice niya sa listahan ng kanyang susuportahang mga kandidato sa pagka-senador.

Kung kakayanin ni Cam na maitaguyod ang kanyang kandidatura na walang suporta ng matagal niyang kinilalang kakampi ay isang malaking hamon.

Sa panig ni Mayor Erap, malinaw ang kanyang dahilan. “Personal choice”, nandoon na ang paliwanag bagaman kung kayo man si Cam, magtatanong din kayo kung bakit siya hindi isinama ng kakampi at ka-partidong dating pangulo.

Ang kuwento ng paghihiwalay ng landas ng dalawang alyado sa panahon ng halalan ay hindi na bago. Sa katunayan ay tatak nga ito ng pulitika sa bansa. Nangyari na ito maging sa mga miyembro ng iisang pamilya pa nga.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.