Halos 200 bahay sa Koronadal City, winasak ng malakas na hangin at pag-uulan

Nasira ng walang tigil na pag-uulan at malalakas na hangin ang higit 190 kabahayan sa Koronadal City, South Cotabato.

Ayon kay City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDDRMC) Chief Cyrus Urbano, wala namang nasaktan sa mala-bagyong lakas ng hangin at ulan na nagpatumba rin sa mga punong daang-taon na ang tanda.

Nasa 10 sasakyan din ang nasira matapos mabagsakan ng mga puno ng acacia at niyog.

Ayon kay Ester del Prado, residente ng Brgy. Sto. Niño inakala nilang isang ordinaryong maulan na hapon lamang ang magaganap.

Gayunman ay naalarma sila nang biglang umihip ang malalakas na hangin dahilan para mabuwal ang mga puno at bahay na gawa sa light materials.

Idineklara na ang state of calamity sa Brgy. Sto. Niño.

“I saw huge trees falling down, light objects flying all over. I hurriedly rushed inside and ensure my children are safe,” ayon kay del Prado.

Inilarawan naman ng ilang mga residente sa Brgy. New Pangasinan ang lakas ng hangin na tila parang isang buhawi.

Ayon kay Urbano, naglaan na ng ayuda ang lokal na pamahalaan ng P5,000 hanggang P7,000 sa kada pamilya.

Nagbigay tulong na rin ang South Cotabato disaster risk reduction and management sa mga apektadong barangay.

Read more...