Ililipat sa Manila District Jail sa Taguig City ang 17 preso ng Pasay City Jail matapos ang isinagawang tatlong oras na Oplan Greyhound ng mga tauhan ng BJMP, PDEA at Pasay City Police Biyernes ng umaga.
Sinabi ni Jail Warden Supt. Bernie Ruiz ala 5:00 ng madaling araw nang simulan nila ang paggalugad sa 14 na selda.
Aniya pinalabas nila ang may 1,000 preso na pinaguhubad ng T-shirt at short pants.
Nang magalugad ang mga selda, samu’t saring kontrabando ang nadiskubre sa mga kulungan tulad ng kahoy na may pako, ballpen, lapis, lighter, pang- ahit at blade.
Kabilang din sa nakumpiska ang ilang piraso ng mga tali na ginagamit ng mga preso sa pamimingwit ng mga kontrabando.
Mula sa bintana ng kanilang selda ay inihahagis nila palabas ng gusali para makapagpasok sila ng mga ilegal na gamit.
Wala naman nakuhang droga ngunit ayon sa isang operatiba ng PDEA may nakuha silang plastic sachets na karaniwang ginagamit na sisidlan ng shabu.
Higit kalahating taon na ang nakalipas nang huling galugarin ang mga selda sa Pasay City Jail.
Samantala, sa paglipat ng 17 detenido sinabi ni Ruiz na gagawin nila ito dahil patuloy na pinamumunuan ng mga ito ang mga ilegal na gawain sa loob ng pasilidad.
Aniya ang 17 ay pawang mga miyembro ng Sputnik Gang.