Ayon kay Capt. Patrick Martinez, tagapagsalita ng 4th Infantry Division ng Army, naganap ang encounter sa Barangay Lower Olave sa bayan ng Buenavista, Agusan del Norte.
Ang lugar ay may layong 15 kilometro mula sa Butuan City kung saan dinukot si Mayor Dario Otaza at ang anak nitong si Daryl noong October 19.
Nagsasagawa aniya ng combat operation ang mga sundalo ng 23th Infanrty Battalion sa lugar nang makatanggap ng tip mula sa mga residente ng sitio Agfa sa kinaroroonan ng mga rebelde.
Sa palitan ng putok sa magkabilang panig, apat umano sa mga rebelde ang sugatan at itinakas ng kanilang mga kasamahan.
Na-rekober aniya ang mga sundalo ng mga backpack sa encounter site at mga dokumento.
Matatandaang muling pinaigting ng mga otoridad ang pagtugis sa mga NPA sa Agusan matapos aminin ng isang Rigoberto Sanchez, na nagpakilalang tagapagsalita ng NPA Southern Mindanao Regional Command na sila ang dumukot at pumatay sa mag-amang Otaza.
Ito umano ay ang paghatol ng NPA sa mag-amang Otaza dahil sa pagiging warlord ng mga ito.