Natapos na ang pinakamahabang “no unloading” streak ng MRT-3 matapos magkaroon ng technical glitch kahapon, araw ng Huwebes.
Nasa 420 na pasahero ng isang southbound train ang pinababa sa Araneta Center-Cubao station dahil sa electrical failure.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), nakasakay ang mga pinababang pasahero sa sumunod na tren makalipas ang 9 minuto.
Ang insidente ay nangyari matapos maitala ng MRT-3 ang pinakamatagal na panahon na walang pinababang mga pasahero na nasa 29 araw mula July 4 hanggang August 1, 2018.
Nalampasan ng record ang 28 na magkakasunod na araw na walang unloading incident na naitala mula April 24 hanggang May 21, 2018.
Kalimitang aberya sa MRT-3 ang technical glitch, dahilan kaya pinapababa ang mga pasahero at minsan pa ay lumalakad sa riles ng tren.