Inanunsyo ng China ang pag-istasyon ng isa sa mga pinakamagandang search and rescue ships nito sa Spratly Islands sa South China Sea, hakbang na tila isang paraan ng pag-angkin sa teritoryo sa gitna ng tensyon sa rehiyon.
Ang barkong Nan Hai Jiu 115, na ipinadala ng Nanhai Rescue Bureau ng Ministry of Transport ay naglayag papuntang Zamora o Subi Reef mula sa southernmost Hainan island province ng China.
Ang report ukol sa pagdating ng barko ng China sa Spratlys ay lumabas sa state-run newspaper China Daily.
Ang Zamora reef ay isa sa tatlong pinakamalaking artipisyal na isla ng China sa Spratlys.
Ito ay nasa 12 nautical miles mula sa Pagasa o Thitu Island, ang pinakamalaki sa 9 na features na inookupa ng Pilipinas sa South China Sea at ang nag-iisang isla kung saan may nakatirang mga sibiiyan.
Samantala, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na wala siyang impormasyon ukol sa pagpapadala ng China ng search and rescue ship sa teritoryo ng Pilipinas na Zamora reef.