Lumalabas sa annual report ng Commission on Audit (COA) na nagkakahalaga ng P295.857 million ang three-in-one toilet sa isang istasyon ng Philippine National Railways na nag-viral sa social media.
Batay sa 2017 audit report, iginiit ng COA ang kanilang 2016 findings tungkol sa ‘Kayo ang Boss Ko (KBK) Toilet Facilities Improvement Project’ at sinabing walang isinumite ang Department of Transportation (DOTr) na inventory tungkol dito.
Ayon pa sa COA, apat lamang sa 45 memoranda of agreement (MOA) para sa nasabing proyekto ang nai-turn over ng DOTr-Project Management Unit habang ang natitirang 41 ay hindi pa tinatrabaho ng recipients hanggang sa ngayon.
Noong 2012, sinimulan ng administrasyong Aquino ang KBK project para isailalim sa rehabilitasyon o hindi kaya ay bumuo ng 1,000 toilets sa mga paliparan, pier at istasyon ng tren.
Gayunman, lumalabas na 53.17 percent lamang ang delivery rate ng nasabing proyekto hanggang 2016 dahil sa ‘project termination’, ‘poor management’ at pag-abandona ng contractors ayon sa COA.
Inirekomenda na ng COA sa DOTr ang paglulunsad ng imbestigasyon at pagsasampa ng kaso laban sa mga opisyal na responsible sa mga iregularidad sa implementasyon ng KBK toilet project.