Malacañang nagpasalamat sa U.S sa kaso laban kay Napoles
Aminado ang Malacañang na malaking tulong sa gobyerno ang desisyon ng United States Federal Grand Jury na kasuhan na si Janet Lim Napoles at iba pang kamag-anak nito dahil sa P20 Million money laundering mula sa pondo ng pamahalaan.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, patunay ito na tinangka ni Napoles na itago ang mga nakaw na yaman mula sa pork barrel scam.
Umaasa aniya ang palasyo na dahil sa mga hakbang ng Amerika sa pakikipagtulungan na rin ng Pilipinas ay maibabalik at mapakikinabangan ng taong bayan ang nasabing pondo.
Sinabi pa ni Roque na marapat lamang na habulin rin ang iba pang taong sangkot sa naturang kontrobersiya.
Bukod kay Janet Lim Napoles, kasama rin sa kaso sa US ang anak nito na sina Jo Christine, James Christopher at Jeane Catherine; ang kanyang kapatid na Reynaldo at asawa nito na si Ana Marie.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.